Mukha ng Kinabukasan | Poetry 2016

Ako ay nasa bawat sulok ng lugar na ito.

Ako ay nagkalat sa kalye, sa sulok, sa loob at labas ng mundo.

Ako ay nabibilang sa henerasyong di kilala.

Henerasyong hindi pa kumpleto ang istorya.

Ako ang hinehele ni inay, inuutusan ni Itay.

Ako ang kinabukasang inaasahan ni Rizal.

Ako ang laman ng computer shop sa gabi.

Wala sa silid aralan, napag-iwanan at huli.

Ako ang may karatulang "Wag Tularan" sa daan.

Ako ay bihag ng maagang kapusukan.

Ako ang simbolo ng maling desisyon.

Ako ang nagtatamo ng paso ng sigarilyo.

Ako ang lumuluha ng patago.

Ako ang hinahalay sa dilim ni tiyo.

Ako ang ipinaglaban ng mga bayaning lumipas.

Ako ang inaruga sa sinapupunan ni Ina.

Ako ang tagapagmana ng hacienda ni Papa.

Ako ang itinataguyod ni ni ate at kuya.

Ako ang sandigan ng sambayanan.

Ako ang pundasyon ng kinabukasan.

Ako ang kumakatawan sa karamihan.

Ako ang nangangarap tumuntong sa paaralan.

Ako ang nagtitiis makapag-aral lamang.

Ako ang umaasam ng diploma at parangal.

Ako ang nakatakdang malingkod sa Inang Bayan.

Ako ang makapag-iisa sa ngayon at nakaraan.

Ako ang kabataan, nagsusumikap para sa Lupang Hinirang.

Comments

Popular posts from this blog

Restart | April 2020

First Impressions: Ava Luna by Kylie Padilla | March 2020

Self Esteem and Confidence | 2020