Pakielam

 Minsan, nagrereklamo ako na lagi na lang syang nangungulit. Gusto nya, bawat oras magkausap kami. Magkatext. Nakakainis na. Nakakairita. Parang di na ko pwedeng magkaron ng ibang tao sa buhay ko. Kailangan sya lang. Walang iba kung di sya lang.

Nung una, napagbibigyan ko pa. Kinukunsinte. Ganun din naman yung gusto ko eh. Yung ako lang. Ako lang sa buhay nya at walang iba. Gusto ko sakin lang iikot yung mundo nya. Gusto ko, ako lang lagi kausap nya.

Pero ng lumaon, naalala ko na may mga kaibigan ako, na matagal tagal ko ng di nakasama. Kaya sila muna yung binigyan ko ng pansin. Gala dito, tambay don. Tawa dito, kwento dun. Astig, sila nga pala yung mga taong nakakakilala sakin simula dati pa. Mga totoong may toyong mga kaibigan.

Paunti-unti, mas nakakasama ko na sila kesa sa kanya. Nung una okay lang sa kanya, sa isip-isip ko, ayos to, sana ganito lahat. Di mahigpit, di maluwag. Sakto lang. Basta ang importante lang, alam namin kung nasaan at sino ang kasama ng isa't isa. Ayos na dun. Tapos pagkatapos ng araw, kwentuhan, kamustahan.

Kaso minsan, dumadating sa oras na nakakalimutan ko magsabi, tapos naiinis sya. Nung una tampo tampo lang, kaso dumadalas. Umaabot sa away, sa iyakan, sa sigawan. Di na kami nagkakaintindihan. Nung una nakakatuwa pa, ang cute nya kasi pag galit. Kaso nung lumaon nakakairita na. Paulit ulit na lang. Di ba ko pwedeng lumabas ng di nagsasabi? Kailangan lahat alam?

Hanggang sa ngayon, umaabot na kame sa halos hiwalayan. Pero syempre di ako papayag, mahal ko to eh. Sa tagal ba naman naming magkasama, at sa swerte ko sa kanya, hahayaan ko pa tong makawala? Di na oy. Akin lang sya. Ako lang ang pwede na makaranas ng ganito sa kanya. Ako lang.

Nung nakaraang away namin, siguro mga ilang minuto kaming nagbreak, pero bumalik din sya sakin. Subukan daw naming ayusin pa ulit, kase pareho naman kaming may mali eh. Parehong gumamit ng pride. Syempre pumayag ako. Aayaw pa ba ko sa grasya?

So ayun. Edi ayos na. Kaso, parang may mali. Pero I'm sure maaayos yun, mamaya lang pag napatawa ko to, magiging back to normal kame. Ganun naman lagi. Pabebe at pakipot lang ng konti, tapos okay na.

Dumaan ang mga araw, at syempre since okay na kame, balik sa dati lang. Sama pa rin ako sa tropa, tapos sya, pinagkakaabalahan nya kung ano man yung maisipan nya. Ayos lang yun sakin, basta akin sya. Hindi na rin sya nangungulit, hinahayaan nya lang ako tulad ng dati. Di masyadong maluwag, at di rin masyadong mahigpit. Ayos, sakto lang.

Nung lumaon, napansin ko na may iba na pala talaga. Kung dati, makwento sya, ngayon hindi na. Isang tanong, isang sagot. Minsan minsan magkkwento, pero hindi na tulad ng dati na excited sya. Para na lang syang nagrereport. Di na rin sya nagtatanong tungkol sa araw ko. Hahayaan nya lang ako magkwento, tapos yun na yun. Pag di ko sya tinanong o pinag elaborate, di nya gagawin. Di nya na rin tinatanong yung sino kasama ko, o kung ano ginagawa ko minu-minuto. Pag hindi ko sya tinext, hindi na rin sya nagtetext. Hindi na rin sya tumatawag. Hindi na sya nag uupdate sakin kung ano na ginagawa nya o kung nasaan na sya o kung sino kasama nya.

Nakakapanibago nung nakahalata ako. Para kong nanliligaw ulit, pero para ding kumakausap ako ng tao na walang pakielam sakin. Sinubukan ko syang kausapin at tanungin kung bakit nagkakaganito, pero wala akong napala. Nag away lang kami. Or rather, inaway ko lang sya. Hindi na kasi sya nagreract ng tulad ng dati. Tumatango lang sya sa mga sinasabi ko, tinatanggap nya lang. Hindi sya nagrerebutt. Hindi na rin tumutulo yung luha nya. Nakatingin na lang sya sakin. Para kong nakikipag usap sa manikin. Tinakot ko sya na iiwanan ko sya, baka sakaling mag react sya. Pero ang sinabi nya lang, "Kung yan ang makakapag pasaya sayo, sige. Pasensya na sa lahat."

Saka sya umalis. Hindi ko alam kung anong gagawin ko, kaya hindi na lang ako nagreact and hindi ko rin sya hinabol. Tapos para makalimutan ko na nangyari yun, balik ako sa mga kaibigan ko. Dating gawi.

Kaso isang gabi, habang nagscroll ako, nakita ko yung post nya. May hawak syang bulaklak, tapos nakangiti ng sobra. Yung ngiti nya na abot hanggang sa mga mata nya. Pumunta ako sa timeline nya, and nag scroll lang. Dun ko nakita na masaya sya.. pero sa piling na ng iba.. at sa mga bagay na di ko minsan nagawa para sa kanya..

Ilang buwan na rin pala ang nakalipas.. Di ko man lang napansin. Di ko napansin na wala na pala sya sa buhay ko. Na hindi ko man lang sya kinamusta o kinausap o kung ano man.. Ni makibalita tungkol sa kanya, hindi ko ginawa. Masyado kong naging busy at nag enjoy, na di ko man lang naramdaman na ang laki laki ng sinayang ko.

Scroll pa more, basa pa ng mga post nya. Nakita ko yung ngiti nya na totoo, pero hindi na dahil sakin. Ngiti nya alam kong may tinatago sya kahit na ang saya saya nya tignan. Yung mga emo nyang post, at yung mga post nya na palaban. Hanggang sa umabot dun sa panahon na masaya pa sya ng dahil sakin. Mga picture namin na magkasama. Na ayos pa kami. Na makulit pa sya, at text pa sya ng text sakin para lang malaman na humihinga pa ko. Yung mga panahon na may pakielam pa sya.


No comments:

Post a Comment